Silence Kills...

Silence Kills...
SilenceKills

Saturday, May 14, 2011

Blue ang Kobrekama ni Jake by Jimmy Alcantara

Wala nang palabas sa TV nang dumating si Michael. Lagi-lagi na lang siyang ganitong oras kung umuwi. Hindi ko naman siya maaway siya ang padre de pamilya.

Lagi-lagi na lang siyang umaga kung umuwi. Hindi na niya napapansin na every other day ay iniiba ko ang ayos ng sala niya, ang lugar ng mini-component niya, ang bedsheets at pillowcases niya.

Gusto ko siyang awayin, pero nasa ibaba pa siya, at nagkakalampagan ang mga plato at mga kubyertos. Hindi pa siya kumakain, isip-isip ko. May nabasag na isang baso, isang plato. Binaba ko siya  hawak niya ang refrigerator. Wala akong masabi. Iyak siya nang iyak.

Mike, kumain ka na, ipinagluto kita ng tinola. Hindi niya ako pinansin, kumuha siya ng kutsilyo at sinubukang bakbakin ang balat ng ref. Hindi pa siya nakuntento. Humanap siya ng sandpaper at kiniskis ang pinto nito. Naawa ako sa kanya kaya kinuha ko ang kutsilyo at sandpaper. Dinala ko siya sa sala; amoy alak si Michael. Sabi niya: Bukas aayusin natin ang kulay na bahay, ayoko ng ganitong buhay.

Niyakap ko siya. Noong isang buwan bumili ako ng pintura sa Cubao. Sa gusto kong pasayahin at sorpresahin siya, pinintahan ko ng pula ang ref. Nakaka-praning ang amoy ng Scarlet Aluminum Paint kaya pati ang cupboard, lababo, lampshade, airpot hanggang sa ceiling fan at TV ay pinasadahan ko rin. Mike, hindi na uli ako bibili ng pulang pintura. Kahit ngayon na wala nang laman ang lata. Wala nang laman ang lata, Mike, naririnig mo ba?

Bago siya nahiga ay pinunasan ko siya. Habang pinapahiran ko ng pulbos ang dibdib niya ay sinabi kong nakakalungkot ang maghapong mag-isa sa bahay. Umasim ang mukha ni Mike pero hindi niya pinahalata. Hindi kami pwedeng magkaanak. Baog si Mike. At flip ako. Parusa ng Diyos sa amin. Magsi-six years na kaming live-in pero wala pa rin kaming balak na magpakasal.

Kinabukasan sa harap ng almusal ay sinabi niya, "Ampon tayo, gusto mo?"

 "Gusto mo?" sabi ko.

Tumango siya. "Sige, ampon tayo."

Hindi makakasama si Mike nang araw na kukunin ko ang bata. May project sila sa opisina at kailangang nandoon siya sa presentation nito. Ako na ang nag-drive sa kanya pagpasok niya. Dumiretso ako sa Quezon City.

Hindi kalakihan ang ampunan pero malinis at de-aircon. Kinausap ko ang namamahala. Sandali lang at ibinigay na ang bata at iniwan ko ang inaasahang iwan ko. Inilagay ko ang bata sa gilid ko. Sa bahay, inihiga ko siya sa matagal nang nakahandang kama para sa kanya. Blue ang kulay ng kobrekama.

Cute na cute ang baby kulot ang buhok niya at ang taba ang sarap-sarap pisilin. Maputi siya, parang si Michael. Matutuwa si Mike sa anak niya, lalake kasi tulad ng gusto niya.

Ano ang ipapangalan namin sa iyo, baby? Gusto mo ba ng Jake? Kami na ang mga magulang mo, baby. Palalakihin ka namin, pag-aaralin ka namin. Tanggapin mo, kami na ang mga magulang mo. Isipin mo mula ka sa amin. Hindi ka ampon, nagkataon lang na may dalawang tao na talagang gumawa sa iyo para sa amin. Palpak kasi kami. Oo, siyempre naman, anak, mahal ka namin.

Umiiyak na ang bata, gutom na siguro. Nagtimpla ako ng gatas at ibinigay sa kanya. Hindi man lang niya nakalahati ang bote. Gusto lang sigurong maglambing. Kinarga ko siya, inugoy-ugoy ko at huminto siya sa pag-iyak. Nakakatulog na siya nang maramdaman ko ang pagbukas ng pinto sa ibaba. Nariyan na siya nang maramdaman ko ang pagbukas ng pinto sa ibaba. Nariyan na si Mike. Dali-dali kong inilapag ang bata sa kama at lumipad pababa sa kinaroroonan ni Mike.

"Mike! Mike! Nandito na ang bata. Kamukha mo, halika, tiyak na matutuwa ka."

Nagmamadaling pumanhik si Mike. Mabilis niyang binuksan ang pinto. Tuwang-tuwa si Mike. Sa tuwa niya, naiyak niya. Lumabas siya ng kwarto at nagkulong sa CR.

Inabot si Mike ng dalawang oras sa toilet. Na-upset siguro siya dahil ang batang iyon ang isang palatandaan ng mga pagkukulang naming bilang mag-asawa.

Pero, eto na ang bata, Mike. E ano kung hindi siya sa atin? Sa atin na siya ngayon. Anak na natin siya. Magulang na niya tayo.

Hindi kumain ng hapunan si Mike. Hindi ko rin siya namalayan nang humiga siya sa kama. Nagising ako sa pagbali-balikwas niya. Gising si Mike. At ayaw niyang magsalita.

Nararamdaman kong umiiyak na ang bata. Akmang tatayo ako nang magsalita si Mike.

"Ricky, isoli mo siya, hindi natin kailangan ng kasama."

Hindi ko siya inintindi. Nagda-drama na naman si Mike.

"Nagugutom na ang anak mo. Heto ang unan mo. Wag mo nang pasakitin ang yong ulo, bukas mag-uusap tayo."

Binuksan ko ang ilaw at lumapit sa kinaroroonan ng bata. Hinawakan ko siya. Tuyo pa rin ang lampin niya. Nagtimpla ako ng gatas at ibinigay ko ito sa kanya. Binuhat ko siya, inilagay sa dibdib ko at inugoy-ugoy.

Nakatitig si Mike, umaapoy ang mata.

"Bagay na bagay sa iyo, para kang tarantado."

"Ano ba ang problema, Mike? Di ba sabi mo'y okay ang bata sa bahay? Ngayon, bakit ka nag-iingay?"

Galit na galit na si Mike, nagbabanta na. Ayos na raw ang mga maleta niya, at ngayon, tiyak nang aalis siya. Nagmumura na si Mike. Natatakot na ako sa kanya. Diyos ko, huwag mong sabihing nababaliw na rin si Mike, huwag mong sabihing nahawaan ko siya. Diyos ko, tama na ang isang flip sa pamilya. Tumayo si Mike, nagbabasag na ng gamit. Ibinato niya ito doon, ang iyon ditto. Hagis ng ano, pukol ng ano. Kipkip ko ang baby ko ng tumakbo ako palabas ng kwarto. Baka kung ano pa ang gawin niya sa baby ko. Lumipad ako papunta sa guestroom. Humabol si Mike, pero nagging mas mabilis ako sa kanya. Ini-lock ko ang pinto. Tinawag ko ang lahat ng santong kakilala ko para pakalmahin si Mike. Itinulak niya ang pinto. Madaling bumigay ang binubukbok na pinto. Sa lakas ng pagkakasalya ni Mike ay muntik nang magiba ang dingding at haligi ng bahay.

Surrender na ako, Mike, do whatever you want.

Bumukas ang pinto. Umaapoy pa rin ang mga mata ni Mike. Pero ano ito? Umiiyak na sa galit si Mike.

"This is it. Ive had it, Ricky. Hindi na ito anxiety, this is insanity."

Hindi ko siya maintindihan. Magaling na ako. There is nothing wrong with me. Si Mike ang nababaliw. Yakap-yakap ko ang baby ko. Nalilito ako. Anong nangyari sa atin, Michael?

Kinuha ni Mike ang anak ko. Ayoko. Huwag mo siyang gagalawin, bata pa siya, wala pa siyang alam. Ihahagis niya ang baby ko. Huwag, Mike, mamamatay ang bata. Ibinato niya ang anak ko sa sahig.

"Mike, hayop ka. Pag namatay ang baby ko, sino pa ang kasama ko dito sa bahay mo?"

"Tatawagan ko si Marvin. We're both taking you in," ang sabi ng walang pusong si Mike. Lumabas siya.

Pinuntahan ko ang anak ko. Gasgas ang mukha. Dumilat ka, baby. Sabihin mong mahal mo ang daddy. Niyakap ko siya. Dumilat ka, baby, say how much you love your daddy. Hinimas ko ang likod niya labas ang buto. Hindi, may kung anong lumawit lang.

Nangiti ako. Ibinalik ko ang mga baterya sa dating ayos.

- sequel ito ng red ang luha ni michael... i love how jimmy alcantara write short stories...♥

4 comments: